Hinahanap ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang lalaking viral sa social media na nakalabas ang dila at inaasar ang rider na kaniyang binabasa gamit ang water gun sa selebrasyon ng Wattah Wattah Festival.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na naging mukha ng basaan ng kapistahan ang naturang lalaki na binansagan ng netizens na "Boy Dila."
“Siya ngayon ang bagong mukha ng Wattah Wattah Festival at nakakalungkot at nakakagalit,” anang alkalde, na nais daw makausap ang lalaki.
“Papatawag ko siya at kakausapin ko siya personally. Sisiguruhin ko na matuto ng leksyon yung masakit na leksyon na maalala niya habambuhay niya para hindi na niya ulit-ulit,” ani Zamora.
Hindi umano nagpapakita ang lalaki sa kaniyang address na pinapadalhan ng iba't ibang delivery online na ipinangalan sa kaniya.
Hinihinala na ang mga delivery ay ginawa ng mga taong nagalit sa kaniya. Iyon nga lang, nadadamay at napeperwisyo rin ang mga nagde-deliver.
“Kami po muli ay umaapela na ang talagang apektado dito ay mga riders na nagtatrabaho ng maayos at bumubuhay sa kanilang pamilya. Sana itigil na itong pagpapadala ng kahit ano man,” pakiusap ni Barangay Balong Bato Chairperson Alvin Alonzo.
Marami ang nainis sa ginanap na Wattah Wattah Festival sa San Juan noong nakaraang Lunes, dahil maraming tao na napadaan lang sa lugar ang nabasa papasok sa trabaho o maghahatid ng delivery.
Kumalat din sa social media ang mga video na sadyang binubuksan ng ilang tao sa kalye ang mga sasakyan para basain ang mga nakasakay sa loob kahit nakiusap na huwag silang basahin.
Nauna nang humingi ng paumanhin si Zamora sa mga naperwisyo at nabiktima ng pambabasa.--FRJ, GMA Integrated News