Patay ang isang 19-anyos na rider, habang sugatan ang kaniyang angkas matapos silang matumba nang bumangga sa poste at magulungan ng mixer truck sa Legazpi City sa Albay.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa tulay na hangganan ng Barangay Lidong, Sto. Domingo at Barangay Padang sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa pulisya, nawalan ng kontrol sa motorsiklo ang rider pagsapit sa tulay na hindi pantay ang daan.
Bumangga ang motorsiklo sa isang poste, at natumba ang mga biktima kaya nasagasaan ng mixer truck na nakasunod sa kanila.
“Bale duman kaya sa pinangyarihan medyo palaog ka po sa boundary, minasadit an tinampo tapos duman sa gilid na parte sa outer lane medyo maburubaybay duman kaya may posibilidad na [nag-]swerve sinda duman pa sa enotan bago pa magboundary," ayon kay PCMS Nolan Balanta, Chief Investigator ng Sto. Domingo Police Municipal Station (PMS).
Sumuko ang driver ng truck sa mga awtoridad na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide. -- FRJ, GMA Integrated News