Inihayag ni Carla Abellana na tinanggap din ng korte sa Pilipinas ang diborsiyo nila ng dati niyang mister na si Tom Rodriguez.

Inihayag ito ni Carla nang maging bisita ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong June 28, at tanungin kung nasaang estado na ngayon ang pagiging hiwalay nila.

"We are divorced, recognized na po 'yan ng korte, local court po natin dito," sabi ni Carla, na dinugtungan ni Tito Boy ng paliwanag na, "Kasi kailangan 'yan i-recognize ng court."

"Opo, ang foreign decree. We haven't spoken since, hindi pa po kami nagkikita o nag-uusap," dagdag ng aktres.

Ayon kay Carla, wala pa rin silang komunikasyon ni Tom, pero wala na siyang kinikimkim na galit sa kaniyang ex-husband.

"Ang hirap po na may bitbit na galit Tito Boy," saad niya. "Life is so short. Kapag you hold on to anger, it will just ruin you. I will manifest sa iyong health."

Oktubre 2021 nang ikasal sina Carla at Tom matapos ang pitong taon nilang relasyon. Pero pagsapit ng 2022, lumabas ang balitang hiwalay na sila ngunit hindi nila inihayag kung ano ang dahilan.

Nananatiling single pa si Carla ngayon, habang inamin ni Tom na may siyang bagong kasintahan na nais niyang panatilihing pribado.— FRJ, GMA Integrated News