Isang pampasaherong provincial bus ang sumadsad sa ilang concrete barrier sa EDSA-Guadalupe Bridge northbound sa may boundary ng Makati City at Mandaluyong City nitong Lunes ng umaga.

Nangyari ang insidente dakong 4:30 ng umaga, ayon sa ulat ni Mao dela Cruz sa Super Radyo dzBB.

Ayon sa driver ng bus, nakaidlip siya, dahilan kaya naararo ng bus ang dalawang concrete barrier na nasa center island sa pagitan ng main road at service road.

Galing daw Bicol ang pampasaherong bus at may mga pasaherong sakay patungong terminal sa Cubao nang mangyari ang insidente.

Wala namang nasaktan sa insidente. Nailipat na ang mga pasahero sa ibang bus.

Ginamitan ng forklift ng Metropolitan Manila Development Authority ang bus para maialis ito.

Alas-sais na ng umaga nang maialis ang bus sa center island.

 

 

 

Nagdulot naman ng mabigat na daloy ng trapiko ang insidente. Umabot hanggang lampas Sen. Gil Puyat Avenue (Buendia) ang traffic sa northbound direction ng EDSA.

Naiulat din na may mga nadurog na bato na nahulog dahil sa pagbangga ng bus sa mga concrete barrier at lumusot ang mga ito sa butas ng tulay paibaba.

Tinamaan ang isang dumadaang motorcycle taxi sa J.P. Rizal Street sa ilalim mismo ng tulay.

 

 

 

Hindi naman nasaktan ang rider at ang pasaherong angkas nito, subalit nabasag ang harap ng motor.

Ipinakausap ang rider sa driver at konduktor ng provincial bus tungkol sa damage.

Samantala, may dumadaang isang tanker ng petrolyo at isang AUV sa EDSA na nagkasagian sa may pinangyarihan ng naunang insidente. Wala namang nasaktan sa aksidenteng ito. —KG, GMA Integrated News