Nasawi ang isang ginang matapos siyang matisod sa riles at mahagip ng tren sa Barangay San Nicolas sa Iriga City sa Camarines Sur.

Sa ulat ni Cris Novelo sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Lunes, sinabing patungo sa Polangui, Albay ang tren ng Philippine National Railways (PNR) na nakahagip sa 57-anyos na biktima.

Isinugod ang biktima sa ospital pero binawian din ng buhay dahil sa matinding mga sugat na tinamo.

"Si mama daw parang hindi na nakakatayo, ‘yun nahagip ng gulong tapos umikot si mama nakaladkad pa po," ayon kay Mark Santiago, anak ng biktima.

Nagkausap na umano ang pamunuan ng PNR at pamilya ng biktima.

Payo ng awtoridad, huwag nang tangkain na tumawid sa riles kapag may paparating na tren.

"Pagka po may papalapit na pong train ay ‘wag na po nating puwersahin pong magbalyo pa or mag-cross po, kasi delikado po yan talaga," payo ni John Paul Boaquiña, Assistant Police Community Affairs and Development (PCAD), Police Non Commissioned Officer (PNCO) ng Iriga City Philippine National Police (PNP).-- FRJ, GMA Integrated News