Ang regalong washing machine para mapagaang ang paglalaba ng ina, naging ideya ng magkapatid para makapagpundar ng negosyo pagpaparenta ng mga washing machine na kumikita na ngayon ng P40,000 hanggang P50,000 kada buwan.
Kuwento sa programang "Pera Paraan" ni Christian Estrada, na mula sa Sta. Cruz, Laguna, mano-manong naglalaba noon ang kaniyang ina kaya naisipan nila ng kaniyang kapatid na regaluhan ito ng washing machine.
Ang kanilang mga kaanak, nakigamit na rin sa machine machine at may tiyahin silang nagbayad ng P100 kahit hindi naman nila ito sinisingil.
Doon na nabuo ang ideya ng magkapatid na iparenta ang washing machine noong 2016. Kada-buwan, nakakabili na sila ng isang washing machine. Ngayon, mahigit 30 na ang washing machine na kanilang ipinaparenta.
Pero gaya ng ibang negosyo, nakaranas din ng pagsubok ang negosyo nina Christian nang magsimula nang masira ang kanilang mga washing machine. Ang gastos nila sa pagpapagawa ng nasirang machine, hindi nila sinisingil sa kostumer na nakasira dahil ayaw nilang mawala ang mga ito.
Ang problema sa gastos sa pagpapaayos ng mga nasisirang washing machine, hinanapan nina Christian ng solusyon sa pamamagitan ng pag-aaral kung papaano gumawa ng nasirang washing machine para hindi na sila gagastos.
Bukod sa nalutas na nila ang problema sa gastos sa pagpapagawa ng mga sira sa washing machine, naging dagdag-negosyo pa nila ang pagtatayo ng repair shop, at iba pang itinitinda nila sa kanilang puwesto.
Ngayon, nagkakahalaga ng P150 hanggang P250 sa isang araw ang renta sa washing machine nina Christian depende layo ng lugar. Sa weekdays, nasa 10 hanggang 15 washing machine ang napaparenta nila. Sa weekend, umaabot naman sa 20 hanggang 30 ang nirerentang washing machine sa kanila.
Dahil sa magandang kita sa pagpaparenta ng washing machine, nakapagpundar na sina Christian ng apat na tricycle na panghatid sa mga nagrerenta. Nakapagpatayo na rin sila ng bahay, at nakapagbibigay ng trabaho sa kanilang mga kaanak.
"Ang pagnenegosyo hindi siya biro. Kasi ako nagsimula talaga from scratch. Kapag nagsimula kayo tuloy niyo 'wag niyang susukuan. Kasi darating at darating talaga na mag-i-struggle ka talaga pero 'wag niyong susukuan. Kasi doon makikita talaga ang determinasyon mo sa paghahanap-buhay," payo ni Christian.
"Unti-unti mo rin naman siyang makukuha, hanapin mo yung poblema at hanapan mo ng solusyon," dagdag niya.--FRJ, GMA Integrated News