Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P35 na dagdag sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR). Dahil dito, mula sa P610, magiging P645 na ang minimum wage sa NCR.
Sa ulat ni Manny Vargas ng Super Radio dzBB nitong Lunes, sinabing magiging epektibo ang dagdag na umento pagkaraan ng 15 araw matapos itong malathala sa mga pahayagan.
Kinumpirma naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang naturang dagdag na umentong inaprubahan ng wage board.
Huling ipinatupad ang dagdag sa minimum wage sa NCR noong July 16, 2023 na nagkakahalaga ng P40.
Sa naturang kautusan, P610 ang naging minimum wage para sa non-agricultural sector at P573 naman sa agriculture sector.
Nitong nakaraang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, inatasan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na pag-aralan ang minimum wage rates sa bawat rehiyon.—FRJ, GMA Integrated News