Hawak ang isang walis tambo, sumugod sa banyo ang isang babaeng guro para hanapin at hulihin ang isang ahas na nagdulot ng takot sa mga estudyante. Pero ang walis, hindi niya ginamit para patayin ang ahas.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang guro na si Namtan Pesiri, na maingat na ginalaw ang isang salamin gamit ang hawak niyang walis.
Maya-maya lang, nalaglag na ang isang ahas na nagtatago sa likod ng salamin.
Pero hindi sinaktan ni Pesiri ang ahas. Sa halip, maingat niyang itinaboy ang ahas palabas ng banyo.
Nang nasa labas na, maingat niyang hinuli ang ahas mula sa paghawak sa buntot nito.
Ayon sa local reports, inilagay at pinakawalan ng guro ang ahas sa talahiban sa labas ng paaralan ng Ban Na Luang School sa Thani, Thailand.
Wala ring estudyante na natuklaw ang ahas.
Napag-alaman na isang golden tree snake ang ahas na mildly venomous. Pero hindi naman umano delikado sa mga tao ang kanilang kamandag.
Ayon sa mga eksperto, madalas na sa puno at kuweba nakikita ang naturang uri ng ahas.
Mga butiki at palaka naman ang karaniwang kinakain ng mga golden tree snake.--FRJ, GMA Integrated News