Maaaring magpunta sa mga "shelter" ang Filipino na nasa Taiwan sakaling magkaroon ng pag-atake roon, ayon kay Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairman and Resident Representative Silvestre Bello III.
Inihayag ito ni Bello upang mapawi ang pag-aalala sa kaligtasan ng mga OFW sa Taiwan bunga ng tensyon sa China at nalalapit na presidential elections sa Enero 2024.
Ayon kay Bello, tiniyak sa kaniya ng mga awtoridad ng Taiwan na ligtas at mapayapa ang sitwasyon doon.
Tinatayang mayroong 150,000 na OFWs sa Taiwan na karamihan ay factory workers.
"Filipinos are entitled to get inside these shelters at any given time," ani Bello.
Hindi sinabi ni Bello kung saan ang lokasyon ng mga "shelter" pero nakita raw niya nang personal ang mga ito.
Patunay umano ang mga "shelter" na sineseryoso ng Taiwan ang kanilang seguridad at pinapahalagahan ang kaligtasan ng mga tao.
"This is to convince us that they are prepared for any eventuality. They are also concerned about the safety of our countrymen who are working here," ani Bello. —FRJ, GMA Integrated News