Inihayag ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na magbubukas ang Taiwan ng 800,000 na trabaho para sa mga dayuhang manggagawa.
Sa isang ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Taiwan Labor Representative Cesar Chavez, Jr., nais ng Taiwan na kumuha pa ng mga manggagawang Filipino, partikular para sa service and hospitality sector.
Sa mga dayuhang manggagawa na planong kunin ng Taiwan, sinabi ni Chaves na kabilang ang mga Pinoy sa mga pinapaboran ng Taipe.
“The target is mga December daw mag-a-announce na and something like 800,000 workers,” anang opisyal.
Mataas din umano ang demand sa mga Pinoy English teacher dahil sa bilingual program ng Taiwan.
“‘Yung LET passer na teacher ay averaging 72,000 NT$, so that’s around P130,000 a month. Yung mga non-let passer, 40,000 NT$ so mga P70,000,” ayon kay Chavez.
Bagaman maliit na lugar lang ang Taiwan, mahigit 150,000 OFWs ang nagtatrabaho roon, karamihan ay factory workers.
Ang OFW na si Jeffrey Opriasa, pinarangalan kamakailan bilang "model migrant workers" sa Taiwan.
Nagsimula si Opriasa bilang operator sa semiconductor factory, hanggang sa ma-promote bilang line reader, at ngayon ay head troubleshooter na nagsasanay ng mga dayuhang manggagawa.
“Nakita nila bakit yung mga Pilipino sobrang flexible, ang bibilis kumilos, sobrang liliksi,” pahayag niya.
“From Presidential Palace daw sabi niya, Jeff napili ka ng Presidential, mame-meet ng personal yung President ng Taiwan, bibigyan ka ng award for the best employee ng Taiwan, sabi ko, wow!” ayon kay Opriasa. — FRJ, GMA Integrated News