Nakalusot na sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na lilikha ng isang kagawaran para sa overseas Filipino workers (OFWs.)
Nakalusot ang panukala anim na buwan matapos itong pagdebatihan sa plenaryo ng mga senador.
Bago ang pagpasa, hiniling ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, na amyendahan ang Senate Bill 2234. Kabilang ang pagpapalit sa pangalan ng kagawaran na mula sa Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF) at gawing Department of Migrant Workers.
Layunin umano nito na malimitahan ang hurisdiksyon ng kagawaran para sa overseas employment at labor migration only, at mapanatili naman sa Department of Foreign Affairs’ (DFA) ang trabaho para sa iba pang Filipino na nasa ibang bansa.
Iminungkahi rin ni Drilon ang probisyon na magtatakda sa bagong kagawaran na kailangang kumuha muna ng written authorization mula sa Pangulo ng bansa, sa pamamagitan ng DFA, bago lumahok sa mga pandaigdigang pulong o negosasyon, tratado o executive agreements.
Kinatigan ni Sen. Francis Tolentino ang mga mungkahi ni Drilon para mapanatili sa DFA ang "primordial role" sa mga tratado.
Iminungkahi rin ni Drilon na manatili sa DFA ang assistance to national at legal assistance funds para sa lahat ng mga Pinoy sa abroad at consular services.
Tinanggap naman ni Sen. Joel Villanueva ang mga mungkahi ni Drilon, bilang sponsor ng SB 2234.
Ipinagpaliban muna ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na aprubahan ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa. Nais niyang masuri muna ng mga senador ang "clean copy" ng panukala.
“To get the clean copies, we do a third reading when we have more members, I’m sure many members would like to vote on this particular, important measure,” ani Zubiri.
Nitong nakaraang Mayo, sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na "urgent" ang SB 2234.— FRJ, GMA News