Dinagsa ng maraming residente ng Lucban, Quezon ang Christmas community pantry na inorganisa ng isang pamilya doon nitong weekend.
Ayon sa kumuha ng mga larawan at video na si JM Esperanza, pasado alas dos ng hapon nagsimula ang community pantry at natapos ng alas siyete ng gabi.
Aabot sa 500 residente ang nabiyayaan ng itinayong community pantry ng Esperanza Family.
Tuwang-tuwa ang mga residenteng pumila. Lahat ay nakakuha ng bigas, ready to eat foods, sariwang mais, gulay, itlog, tinapay, damit, sapatos at iba pa.
Ayon sa Esperanza family, 10 taon na raw nilang ginagawa tuwing magpapasko ang Christmas community pantry. Bukod pa dito, simula daw noong mag pandemic ay every 2 months na nilang ginagawa ang pantry upang ibahagi ang kanilang mga blessings na natatanggap.
Nag-enjoy din ang mga residente sa magarbong Christmas lights sa tahanan ng mga Esperanza na taon-taon din nilang ginagawa.
Sana raw ay mabawasan kahit papaano ang problemang dala ng pandemya sa mga kababayan sa kanilang ginawang community pantry. -- BAP, GMA News