Nananabik na ang hosts ng It's Showtime sa pagdiriwang ng ika-15 anibersaryo ng noontime show ngayong Oktubre, lalo na ang level up nilang "Magpasikat" 2024 performances.

"Kahit 15 years na, ang dami pa naming puwedeng gawin nang magkakasama at ang dami pa naming puwedeng maisip nang magkakasama at ibigay sa maraming tao," sabi ni Vice Ganda sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.

"First time naming isi-celebrate ang 'Magpasikat!' 15th anniversary pa kasama ang mga Kapuso," sabi naman ni Kim Chiu.

Kinagiliwan ng madlang people ang maraming segments ng It's Showtime at nagmarka sa kanila.

Ngunit para sa ilang hosts, personal favorite nila ang "Tawag ng Tanghalan," "EXpecially For You," "Miss Q and A," at ang viral at trending na "Kalokalike: Face 4" kung saan napansin maging ng ilang foreign artists ang kanilang impersonators.

Ang American rapper na si Snoop Dogg, ni-repost pa sa kaniyang IG ang kaniyang kamukha na mula sa Tondo, Maynila, na tinawag niyang "nefew."

Nakarating din kay Fil-Am Grammy Award winning singer-songwriter Bruno Mars ang performance ng Kalokalike niya.

Hindi rin malilimutan ng hosts ang guestings ng ilang Kapuso stars gaya nina Barbie Forteza, Rufa Mae Quinto, Julie Anne San Jose, Encantadia Sangres, Michael V., at Asia's multimedia star Alden Richards.

Kasama na rin dito ang pagbisita ni GMA Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes.

"Ako naman ang memorable sa akin, si Alden. Napaka-imposible pero ito, katabi na namin tapos ang bait-bait pa," sabi ni Vhong Navarro.

"Sobra kasing naha-happy ako doon sa GMA singers," ani Vice.

Naghahanda na rin ang It's Showtime hosts para sa kani-kanilang pina-level up na Magpasikat 2024 performances, na mapanonood mula Oktubre 21 hanggang 25 sa It's Showtime. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News