Sa nalalapit na pagtatapos ng Kapuso hit afternoon series na "Abot Kamay na Pangarap," inihayag ni Jillian Ward-- gumaganap na pinakabatang neurosurgeon sa bansa sa serye-- ang kaniyang kasiyahan na nakapagbigay sila ng inspirasyon sa mga manonood--mga bata man o matanda.
Sa panayam ng "Unang Hirit" nitong Huwebes, sinabi ni Jillian, gumaganap sa karakter na Dr. Analyn Santos, na lagi siyang nakakatanggap ng mga mensahe mula sa mga sumusubaybay ng kanilang teleserye.
"Every day may nagme-message sa kin na na-i-inspire sila dahil sa show. All ages 'yun, mga nanay, mga bata," sabi ng aktres. "May mga nanay na na-i-inspire na bumalik sila sa pag-aaral."
"Kasi 'yun din 'yung lesson ng 'Abot Kamay na Pangarap.' It's never too late to reach for your dream," dagdag niya.
Taong 2022 nang unang masilayan ng mga Kapuso ang naturang teleserye.
Pag-amin ni Jillian, hindi niya inasahan ang mainit na pagtanggap ng mga manonood dahil na rin sa kaniyang karakter bilang bida na isang batang duktor.
"Di ko po inexpect a magra-rate siya, na may manonood. Sabi ko po noon, 'Sinong manonood ng batang doktor?,'" saad niya.
Kaya naman malaki ang pasasalamat ni Jillian sa naging mainit na pagtanggap ng mga manonood kaya naging matagumpay ang "Abot Kamay na Pangarap."
Mapapanood ang “Abot-Kamay Na Pangarap” mula Lunes hanggang Sabado sa ganap na 2:30 p.m. Sa Oktubre 19 ang final episode nito.—FRJ, GMA Integrated News