Nananatiling tahimik ang ina ni Bea Alonzo na na si Mary Anne Ranollo, sa nangyaring hiwalayan ng aktres at ng dati niyang fiancé na si Dominic Roque.

Pero sa programang "My Mother, My Story" ni Boy Abunda, sinabi ni Bea na hindi ito nangangahulugan na hindi apektado ang kaniyang ina sa nangyari sa kaniyang love life.

"She was very much affected, especially dahil marami ngang nasasabi tungkol sa 'kin na hindi totoo. I think 'yun 'yung pinakamalaking weight sa kaniya," ayon kay Bea.

Ayon kay Bea, nasa isip ng kaniyang ina na hindi nararapat na sa kaniya [aktres] ipinupukol ang mga naglalabasang espekulasyon sa nangyaring dahilan ng hiwalayan nila ni Dominic.

Pero pinili pa rin ni Mary Anne na manahimik gaya nang nangyari sa mga dating breakups ng anak.

Ayon kay Bea, nasasaktan siya kapag nadadamay na ang kaniyang pamilya sa mga maling alegasyon.

"Ang masakit lang sa 'kin siyempre nadadamay sila. 'Yun 'yung medyo may sting din, kasi ako sanay ako eh,"saad ng aktres. "Matagal ko nang ginagawa 'to pero kapag 'yung pamilya na 'yung nadadamay tapos gumagawa sila ng mga theories tapos ginagawang villain 'yung nanay ko, masakit."

Plano sana nina Bea at Dominic na magpakasal ngayong taon matapos silang maging engaged noong July 2023.

Umugong ang hiwalayan ng dalawa sa pagsisimula ng 2024 at kinumpirma ni Tito Boy noong Pebrero sa kaniyang programang "Fast Talk With Boy Abunda" matapos makakuha ng impormasyon.

Napapanood ngayon si Bea sa Kapuso murder-mystery series "Widows' War," kasama si Carla Abellana, mula Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng "Pulang Araw." —FRJ, GMA Integrated News