Matapos ang "Lolong," muling magkakasama sina Roi Vinzon at Ruru Madrid sa upcoming action GMA series na "Black Rider."

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Huwebes, inihayag ng veteran action star ang excitement sa "Black Rider" dahil sa dami ng malalaking artista na kasama.

Gagampanan ni Roi sa serye ang karakter ng isang pulitiko na maluluklok sa mataas na puwesto.

"Ang gusto ko ditong nangyari Boy, napakadaming castings," sabi ni Roi.

Kabilang sa mga binanggit ng aktor sina Monsour Del Rosario, Raymart Santiago, at Gary Estrada.

Kasama rin sa cast sina Yassi Pressman, Kylie Padilla, Katrina Halili, Carla Abellana, Rainier Castillo, Empoy Marquez, Janus del Prado, Jayson Gainza, Jon Lucas, Isko Moreno, Joaquin Domagoso, Matteo Guidicelli, at iba pa.

Ayon kay Roi, masaya siya na makatrabahong muli si Ruru, matapos nilang magkasama sa "Lolong." Sa nasabing serye, nakita ng beteranong aktor kung paano magtabaho si Ruru.

"Sabi ko, may potential ka," pagbahagi ni Roi sa sinabi niya kay Ruru. "Basta 'yung attitude mo manatili sana 'yan."

BASAHIN: Paalala ni Roi Vinzon sa mga anak: ‘Sa showbiz, hindi ka kukunin kapag masama ang ugali mo'

Mapapanood na ang "Black Rider" sa GMA Telebabad simula sa November 6. —FRJ, GMA Integrated News