Napakasakit para sa isang ama na halos dalawang taon na nawalay sa kaniyang pamilya dahil sa pagtatrabaho sa ibang bansa, at isang araw ay makatatanggap ng malungkot na balita mula sa Pilipinas na wala na ang dalawa niyang anak.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang viral video ng overseas Filipino worker sa Amerika na si Jose Alvarez, habang emosyonal na inaawitan ang dalawa niyang anak na sina Ronju, 17-anyos at Ymae, 26, habang nakaburol.

Taong 2022 pa huling nakita Jose ang kaniyang pamilya matapos na magtrabaho siya sa Amerika.

Tiniis niyang malayo sa kaniyang mga mahal sa buhay para mabigyan sila ng magandang buhay.

Pero gumuho ang lahat ng kaniyang pangarap nang makatanggap siya ng tawag na wala na ang dalawa niyang anak na sina Ronju, at Ymae.

Hindi na binanggit ang dahilan ng pagpanaw ng magkapatid. Pero marami raw sanang nais sabihin si Tatay Jose namayapa niyang dalawang anak.

Ang mga hindi nasabi ni Jose sa mga anak, at laman ng kaniyang kalooban, idinaan niya sa awitin nang umuwi siya sa Pilipinas upang makita ang mga anak sa huling sandali.

"Idinaan ko sa kanta yung sakit na wala akog matanungan. Kaya ang tinatanong ko roon yung 'God ang sabi ko 'bakit ganito ang buhay,'"? saad ni tatay Jose.

"Sabi ko tara na sa ating paraiso kasi yung lagi ang tinatanong ng anak kong bunso kung kailan ako uuwi, kailan ako hindi na babalik ng Amerika," sabi pa niya.

May plano na sana si Taty Jose na manatili na sa Pilipinas ngayong taon dahil 60-anyos na siya.

Subalit dahil sa mapait na pangyayari sa dalawa niyang anak, muling bumalik si Tatay Jose sa Amerika para makalimot sa sakit na nararamdaman.

"Noong una tinanong ko ang God pero ang sinasabi ko sa anak ko na ngayon, 'May purpose, ka anak kaya hayaan mo. Huwag ka nang umiyak kasi may purpose ang God,' sabi ko," ayon kay Tatay Jose. --FRJ, GMA Integrated News