Binaril ang magkasintahang Geneva Lopez at Yitshak Cohen batay sa resulta ng awtopsiya na isinagawa ng National Bureau of Investigation sa kanilang mga labi na nahukay sa isang quarry site sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac noong Sabado ng umaga.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na tig-dalawa ang tama ng bala na tinamo ng beauty pageant contestant na mula sa Pampanga, at ang kaniyang Israeli boyfriend na nawawala mula pa noong June 22.
"Nag-conduct na kami ng autopsy, ang NBI ay nag-conduct na ng autopsy at may resulta na," sabi ni Santiago sa panayam ng Super Radyo dzBB.
"'Yung babae ay may tama ng bala sa dibdib, sa likod ha, sa likod, lumabas sa dibdib, at saka sa kaniyang paa, sa thigh," anang opisyal. "Ang lalaki naman ay may tama ng bala sa dibdib, harapan ang entrance, tumagos sa likod at saka sa bandang kili-kili."
Sinabi ni Santiago na may slug o bahagi ng bala na nakita sa katawan ni Lopez na isasailalim sa ballistics examination.
Samantala, wala pang resulta sa DNA testing sa mga bangkay na isinagawa ng Scene of the Crime Operation (SOCO).
Gayunman, kinilala na ng mga kaanak na sina Lopez at Cohen ang nahukay na bangkay batay sa kanilang mga suot at nakitang gamit.
Ayon kay Santiago, ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng pulisya ang lead agency sa isinasagawang imbestigasyon.
Naniniwala rin ang opisyal na ang nawawalang magkasintahan ang nakitang mga bangkay, nahukay batay sa ibinigay na impormasyon ng isang saksi.
Una rito, sinabi ni Santiago na nagsisimula nang maagnas ang mga bangkay nang makita. Hindi pa tiyak kung ilang araw nang patay ang mga biktima nang makita sa hukay.
June 21 nang magtungo sa Capas, Tarlac mula sa Pampanga para tingnan ang bibilhing lupa.
Kinabukasan, nakita ang sunog na sasakyan ng magkasintahan sa gilid ng kalsada sa Capas, pero wala ang magkasintahan.
Ayon kay Santiago, away sa lupa ang isa sa mga tinitingnan motibo sa krimen.
Sinabi naman ni Interior Secretary Benhur Abalos sa Super Radyo dzBB nitong Sabado, dalawang suspek ang nasa kostudiya ng pulisya, at Isa rito ay pulis.
Nagluluksa naman ang Israeli Embassy sa sinapit ni Cohen.
Nai-cremate na ang mga labi ni Lopez na nakaburol na sa Pampanga. —FRJ, GMA Integrated News