Patay ang dalawang lalaki matapos umanong araruhin ng SUV sa Libagon, Southern Leyte.

Sa ulat sa 24 Oras Weekend ngayong Linggo, makikita na dali-daling inilabas mula sa wasak at umuusok niyang sasakyan ang driver na ito matapos bumangga sa bakod.

Nakahandusay naman sa gilid ng kalsada ang dalawang biktima. Ang isa sa kanila, naputulan ng binti.

Ayon sa Libagon Municipal Police, nasawi ang parehong biktima na nag-aayos lang ng motorsiklo sa gilid ng kalsada.

Ligtas naman ang driver at apat na pasahero ng SUV.

Base sa imbestigasyon, nakatulog ang driver. Naaresto ang suspek at nasampahan ng kaukulang kaso pero pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa. — BM, GMA Integrated News