Nagsalita si Yasmien Kurdi tungkol sa mga usapin na nagkaroon sila ng issue noon ng kaniyang batchmate sa StarStruck Season 1 na si Nadine Samonte.

“Sabi ko na nga ba ‘yan ang issue eh,” biro ni Yasmien sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

“Wala. Siguro ‘yung parents!” pagpapatuloy niya.

Ayon kay Yasmien, wala siyang maalalang naging iringan o awayan nila ni Nadine.

“Ganoon po yata kapag nanganak na, ‘yung mga anesthesia, hindi na maaalala,” biro ng “The Missing Husband” actress.

“We’re good friends. Everyone, kahit sila Nads, si Cristine (Reyes).”

Kung mayroon man, isa lamang itong healthy competition sa pag-abot ng kanilang mga pangarap na makapasok sa showbiz.

“Si Nads naman, wala naman din talagang rivalry ‘yung personal. Siguro it’s more of competitive kami during that time. Healthy competition siya kasi before StarStruck, we used to go to VTRs together, lagi kaming nasa final castings together,” paliwanag ni Yasmien.

Ngunit si Nadine raw ang madalas makuha sa halip na siya.

“Lagi akong ‘yung natatanggal, so lagi akong cry,” sabi ni Yasmien. “Kasi mahirap Tito Boy. For example, para makuha mo ‘yung isang commercial, mga five VTRs ‘yung pagdadaanan mo.”

Inihayag din ni Yasmien ang paghanga sa kaniyang kaibigan na nagdesisyong mamahinga sa showbiz para itaguyod ang pamilya nito.

“Si Nads din, nag-focus siya talaga sa family. Kahit before sinasabi ko sa kaniya na ‘Kailan ka babalik?’ Lagi akong nag-a-ask sa kaniya, kahit i-ask niyo siya. ‘Kailan ka babalik, sayang ‘yung career mo.’” Pero mas finocus niya ‘yung family life,” sabi niya.

Nauna nang pinabulaanan ni Nadine ang ilang usapin noon na nagkaroon sila ng tarayan ni Yasmien at pareho nilang hindi gusto ang isa’t isa.

“I’m so happy Tito Boy, kasi bumabalik sa akin na magkasama kami noong StarStruck days,” sabi ni Nadine sa hiwalay na panayam sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

“Kasi hindi nagbago si Yasmien, ganu’n pa rin siya, kalog, makulit. And siya pa rin ‘yung Yasmien. I felt comfortable with her talaga,” sabi pa ni Nadine. —VBL, GMA Integrated News