Inilahad ni Yasmien Kurdi na nakaranas ng pambu-bully ang kaniyang anak na si Ayesha sa eskuwelahan, at gumawa siya ng hakbang para matigil ito.

“Na-bully siya sa school niya. May gumawa ng Ayesha hate club online, parang cyber bullying,” kuwento ni Yasmien sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Si Ayesha ang sabi niya ‘Hayaan mo na.’ Nalaman lang namin na may ganoong klaseng group dahil ‘yung best friend niya mismo ni-recruit din sa group na ‘yon,” dagdag niya.

Ayon kay Yasmien, nais ng kaniyang anak na hinayaan na lang ang gumawa ng hate club ngunit gumawa ang aktres ng kaukulang hakbang bilang isang magulang.

“Noong una nainis ako, sabi ko ‘Ayesha hindi. Kailangan talaga ‘yan ireklamo and all. So inireklamo ko ngayon sa adviser. ‘Yung bata, deadma lang, as in positive lang siya. ‘It’s okay mama.’ Pero ako kasi I have to do something about it as a mom, dahil ayokong nasasaktan ‘yung anak ko,” saad ng The Missing Husband actress.

Nagpasalamat si Yasmien na gumawa rin ng aksyon ang pamunuan ng paaralan tungkol sa ginawang pambu-bully sa kaniyang anak.

“Sa akin masakit siya. Pero buti na lang ‘yung school nila nagkaroon ng counseling sa pinagdaanan niya,” sabi niya. --FRJ, GMA Integrated News