Pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Senate President Francis Escudero sa "political reconciliation" na ginawa nito sa Sorsogon nitong Huwebes na naging daan para magkita sila ng kaniyang nakatunggali sa dalawang halalal na si dating Vice President Leni Rodredo.
Sa talumpati ni Marcos sa pagpirma niya sa ARAL Law nitong Biyernes, inihayag ng Punong Ehekutibo ang kasiyahan sa ginawa ni Escudero nitong Huwebes nang pasinayaan ang Sorsogon Sports Arena kung saan kasama si Robredo-- na mula rin sa Naga, Camarines Sur-- ang sumalubong sa kaniya.
Sinabi ni Escudero na kinausap niya si Robredo na kasamang mag-welcome kay Marcos bilang kinatawan ng Bicol region.
Makikita na nagkamayan sina Marcos at Robredo na naging magkatunggali sa vice presidential race noong Eleksyon 2016, at naulit sa presidential race nitong Eleksyon 2022.
Nanalo si Robredo noong 2016, habang si Marcos naman ang nanaig noong 2022.
“Senate President Chiz Escudero, who has taken a very important step towards political reconciliation yesterday… Well done. I'm so happy you did that,” saad ni Marcos.
Ayon kay Escudero nitong Huwebes, dapat na magkakasama pa sina Marcos at Robredo sa stage pero kinailangan nang bumalik ng dating bise presidente sa bayan nito sa Naga para sa isa pang pagtitipon na dadaluhan.
Sinabi ni Escudero na sadyang hinintay na lang ni Robredo na dumating si Marcos bago umalis pauwi ng Naga kung saan tatakbong mayor sa Eleksyon 2025 ang dating bise presidente.
Ikinatuwa rin ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pangyayari sa Sorsogon at sinabing kasama sa panawagan ni Marcos na pagkakaisa ang ''political reconciliation.''
''It's always been our President's message to the country that we always must unite. That Filipinos should always be as one,'' pahayag ni Romualdez, na pinsan ni Marcos. --mula sa ulat ni Anna felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News