Isang babae ang aksidenteng nalunok ang kaniyang wedding ring sa kaniyang bakasyon sa Thailand.

Sa isang video ng South West News Service, na iniulat din sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang X-ray ng babae kung saan nasa loob ng kaniyang katawan ang singsing.

Kuwento ng babae na taga-Atlanta, Georgia, inalis muna niya ang kaniyang singsing bago siya maligo.

Matapos nito, uminom siya ng vitamins.

Ilang saglit lang, napansin niyang nawawala na ang kaniyang singsing kaya hinanap nila ito ngunit hindi nila makita.

Nagbiro ang asawa niya na maaaring nalunok niya ang singsing, hanggang sa magdesisyon na silang magpa-X-Ray.

Nang magpa-X-Ray ang babae, dito natuklasang nasa loob nga ng kaniyang katawan ang singsing.

Pinayuhan siya ng doktor na uminom ng gamot para natural itong mailabas.

Tagumpay ang babae na mailabas ito at naisusuot na niyang muli.

--Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News