Ikinuwento ng Kapuso actress na si Yasmien Kurdi ang pambihirang pagkakataon na masabi niya ang "I love you," sa kaniyang mahal na ina na si Mommy Miriam na nakikipaglaban ngayon sa kidney disease.

“Actually Tito Boy, hindi kasi ako ma-‘I love you’ sa mom ko noong bata ako. Pero recently habang nagda-drive ako yesterday, sabi ko sa kaniya ‘Mama I love you,’” masayang kuwento ni Yasmien sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes.

“Tapos sabi niya ‘Ha?’ napagano’n siya, ‘Ha?’ Sabi ko ‘I love you.’ Tapos bigla niya akong tinapik,” patuloy niya.

Sabi pa ng aktres, “Happy ako kasi lagi ko siyang nakakasama ngayon.”

Ayon kay Yasmien, hindi niya nakakasama noon ang kaniyang ina dahil magkaiba sila ng tirahan. Nauunawaan niya na gusto ng mga magulang ng privacy kaya ayaw na tumira sa bahay ng mga anak.

“Ang layo niya kasi nakatira. She used to live in Quezon City dito sa house namin. Sabi ko sa kaniya dati pa tumira na siya sa akin pero ayaw niya. Gusto kasi ng parents minsan ‘yung privacy, sariling bahay nila,” saad niya.

“Pero ngayon kinuhanan ko na siya ng bagong house malapit lang sa akin, puwede ko siyang puntahan anytime,” pagpapatuloy niya.

Dahil malapit na ang kanilang bahay, sinabi ni Yasmien na naipagluluto na niya ito, bagay na hindi niya nagawa sa para sa kaniyang ina dahil na rin sa pagtutuk niya sa kaniyang sariling pamilya.

“Mahilig akong magluto. Pero hindi ko nalutuan ko ‘yung mom ko for how many years dahil I was taking care of my family. So I think ‘yun ‘yung parang, meron akong guilty feeling,” emosyonal na paglalahad niya.

Kaya naman sinusulit ni Yasmien ang mga pagkakataon para makabawi sa kaniyang ina.

“‘Mama ngayon paglulutuan kita.’ Lumabas ang lab [results] ng mom ko ngayon, ang ganda ng nutrition niya,” anang aktres. “Happy na happy ako ngayon, sabi nga ng dietician niya, ‘Alam mo, remain na ‘yan, kung ano ‘yung niluluto ngayon sa bahay, kainin mo ‘yan.’”

Ayon kay Yasmien, sinasamahan niya ngayon ang kaniyang ina sa pagpapa-dialysis at naghihintay sila ng kidney donor para sa transplant.

“Right now recovering pa rin, medyo matagal kami sa hospital nu’n eh. Yesterday nasa NKTI (National Kidney and Transplant Institute) kami, arranging her labs. Nagwo-work up kami for transplant. Ngayon nagda-dialysis siya twice a week,” ayon kay Yasmien.

Nagpapasalamat si Yasmien sa kaniyang ina na hinayaan siyang gawin ang mga nais niya.

“‘Yung mom ko kasi she’s a cool mom noong bata ako. Hindi siya KJ [kill joy], hinahayaan niya akong gumawa ng mga bagay-bagay nang independent. Naging ganu’n din ako kay Ayesha. Very cool lang ako when it comes to my daughter,” sabi ni Yasmien na mapapanood sa upcoming series na The Missing Husband.-- FRJ, GMA Integrated News