Inihayag ni Paolo Contis ang kaniyang pasasalamat sa mga taong patuloy na nagtitiwala sa kaniya at binibigyan siya ng pagkakataon gaya ng mga proyektong “Bubble Gang” at “Eat Bulaga,” sa kabila ng mga nagawa niyang pagkakamali noon sa buhay.

“Marami akong kailangan ayusin sa buhay ko. And this is a big leap sa pag-aayos ng buhay ko that I am busy, malaking bagay sa akin na nagtitiwala pa sa akin ang GMA, ang Sparkle, ang TAPE,” sabi ni Paolo sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.

“ I’m very thankful na hindi nila tiningnan ‘yung mga personal kong mali. Pero they value ‘yung work ethics ko, kung ano ‘yung nadadala ko sa table kapag ako ay nagtatrabaho,” pagpapatuloy ng Kapuso TV host-actor.

Para kay Paolo, ang pagbubuti niya sa trabaho ay parte ng pag-aayos niya ng kaniyang buhay.

“Malaking bagay na dire-diretso itong trabaho because it’s really part of the fixing of my life,” saad niya.

Batid daw ni Paolo na hindi niya deserve na mabigyan ng malalaking proyekto kaya naman malaki ang kaniyang pasasalamat.

“I know I don’t deserve it. I have to be honest. On a professional level I know I do. Pero personally, alam kong marami akong mali. Alam ko personally na marami akong bagay na hindi ako deserve but I’m here. So grabe ‘yung pagmamahal ko at pagbibigay ko ng importansya ngayon sa trabahong nakukuha ko,” pahayag niya.

Sa darating na Linggo, July 9, lilipat na ang longest-running gag show na Bubble Gang sa bago nitong timeslot sa ganap na 6 p.m.

Napapanood din si Paolo bilang isa sa mga bagong host ng "Eat Bulaga," kasama sina Buboy Villar, Betong Sumaya, Isko Moreno at iba pa. --FRJ, GMA Integrated News