'Si Isko [Moreno] pala ito!," sambit ng nanay na buko juice vendor na mapalad na napili sa segment na G sa Gedli ng "Eat Bulaga." Si Isko na nakasuot ng cap at salamin, elibs kay nanay at sa mister nito dahil sa nagawa nila para sa dalawa nilang anak.
Sa isang episode ng "Eat Bulaga," napag-alaman na 36 na taon nang hanapbuhay ni nanay Maria Teresa at kaniyang mister ang pagtitinda ng buko.
Ayon kay Nanay Maria Teresa, tapos ng kolehiyo ang dalawa nilang anak na napag-aralan nila sa pagtitinda ng buko.
Kaya naman humanga si Isko sa ginang dahil naigapang ang edukasyon ng dalawang anak.
"Dahil sa buko naka-graduate ang dalawang anak," papuri ni Isko. "Dapat ka talagang tularan. 'Yan ang hinahanap natin sa 'G sa Gedli. Kahit anong hirap, hindi sumusuko, mairaos lang ang pamilya."
Dahil sa sipag, sinabi ni Nanay Maria Teresa, umaabot sa P1,000 hanggang P1,500 ang kita nilang mag-asawa sa pagtitinda ng buko sa isang araw--umulan man o umaraw.
Habang kinakausap ni Isko si Nanay Maria Teresa, abala naman si Buboy Villar sa pagtira sa panindang buko.
Sa naturang segment, nagbibigay sina Isko at Buboy ng pinansiyal na tulong sa mapalad na mapipili.--FRJ, GMA Integrated News