Sentimental si Ruru Madrid nang balikan ang kaniyang mga pinaghirapan sa pinagbidahan niyang hit Kapuso series na ''Lolong,'' na talaga namang tinangkilik at minahal ng mga tao. Ang aktor, nagpahiwatig ng Book 2 ng series.
Sa kaniyang Instagram, na makikita rin sa Unang Balita nitong Huwebes, inilahad ni Ruru na ang Kapuso series ang isang programa na nagpabago sa kaniyang buhay.
Sa post, nag-compile si Ruru ng mga video ng kaniyang pagsugod-bahay sa ilang mga residente at ang panonood niyang kasama ang mga pamilya.
“Sa dami ng aking pinagdaanan bago at habang ginagawa namin ito. Inakala ko na hindi ko kaya ang mga pagsubok at problema, pero pinilit kong labanan at makayanan lahat ng ito, sa tulong ng Ama at lahat ng mga tao na naniniwala at sumusuporta sa akin,” caption ni Ruru.
“Hindi namin inaasahan na ganoon nalang ang pagmamahal at suporta na ibibigay ninyo sa amin kaya ito ay naging matagumpay,” pagpapatuloy ng aktor.
Hinikayat ni Ruru ang mga dumaranas ng matinding pagsubok na huwag sumuko at magtiwala sa Panginoon.
“Napakasarap sa puso na makita kung gaano ninyo minahal ang Lolong. Lalo na ang mga Bata na nabibigyan namin ng saya at inspirasyon. Pangako di ako mapapagod gumawa ng mga proyekto, na nakapagbibigay ng kaaliwan at inspirasyon sa inyo,” saad niya.
Sa huli, may pa-teaser si Ruru sa pagkakaroon ng bagong book ng series, na umere Hulyo noong nakaraang taon.
“Abangan ang pangalawang aklat ng LOLONG,” caption ni Ruru.
Nakatakdang bumida si Ruru sa upcoming film na “Video City” at sa series na “The Black Rider.'' —VBL, GMA Integrated News