Dahil magiging magkapatid na sa magkaibang Kapuso TV channels ang “Eat Bulaga” sa GMA 7 at ang “It’s Showtime” sa GTV, posible kayang mangyari ang "crossover" ang mga host?

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, inihayag ng ilang  “Eat Bulaga” hosts na bukas sila sa posibilidad ng pag-crossover sa “It’s Showtime,” na magsisimula nang mapanood sa GTV sa Sabado, July 1.

“You'll never thought it would happen,” ani Paolo Contis habang katabi si Buboy Villar. “Puwede kang mag-guest dun, puwede silang mag-guest dito ‘di ba?”

“Welcome na welcome lahat. Tsaka ang sarap, isipin mo kung anong magagawa nung entertainment nun sa tao,” dagdag niya.

Habang naghahanda ang "It's Showtime" para enggrandeng unang araw nila sa GTV, inihayag ng "Eat Bulaga" host na may pasabog din silang gagawin sa Sabado bilang pasasalamat dahil naka-isang buwan ang mga bagong host ng noontime show.

Bukod sa special guest, sinabi ni Betong Sumaya na uulan din ng pa-premyo na puwedeng manalo maging ang mga nanonood sa telebisyon at Facebook sa buong Pilipinas.

Ayon kay Paolo, "Sa July 1 kumbaga doble, triple yung pinaghahandaan namin. We're making sure that it will be a very big celebration." --FRJ, GMA Integrated News