Dahil kailangang magtrabaho noon para sa kaniyang mga pangangailangan, naudlot ang pangarap ni Yasmien Kurdi na makapagmartsa sa kolehiyo. Pero nagpursigi siyang tapusin ito sa edad 30 para maging ehemplo sa anak na si Ayesha.
"'Pag nakikita ako ng anak ko, kasi, idol niya ako. Idol ako ng anak ko," sabi ni Yasmien sa Updated with Nelson Canlas.
"Gusto ko lang din na makita niya ako, kaya nga 'di ba noong 30 years old ako, tinapos ko talaga 'yung college ko para maka-graduate ako, para makita ng anak ko na, no matter how long it takes, as long as you're doing something, okay lang 'yan. Basta matapos mo siya, never quit," dagdag ng Start-Up PH actress.
"Huwag siyang magku-quit sa isang bagay, basta i-go niya lang. Hindi naman porke hindi mo nakuha ngayong taon na ito ibig sabihin hindi mo na siya makukuha, hindi na mangyayari. Kaya tina-try ko talaga ang best ko na maging mabuting ehemplo para kay Ayesha," ayon kay Yasmien.
Sa murang edad, kinailangan ni Yasmien na magtrabaho para sa pag-aaral matapos maghiwalay ang kaniyang mga magulang.
Edad 14 si Yasmien nang sumali siya sa pinakaunang season ng Starstruck noong 2003.
Gayunman, sumagi sa isip niya noon na mag-quit na sa showbiz.
Dati nag-aral si Yasmien ng foreign service at nursing sa kolehiyo. Noong 2019, nakapagtapos siya bilang magna cum laude sa kurso namang AB Political Science sa Arellano University.
"Naiisip ko dahil during that time, 'yung course ko was nursing, I was taking up nursing and then sabi ko sa sarili ko na, tatapusin ko itong course na ito and then magbo-board ako siguro sa US, and then lilipat na ako sa mga tita ko sa Guam," ayon kay Yasmien tungkol sa kaniyang plano noon.
Pagpapalaki kay Ayesha
Inihayag ni Yasmien na nagbabalanse sila ng asawang si Rey Soldevilla Jr. sa pagpapalaki sa anak nilang si Ayesha.
"Mas strict si Rey kaysa sa akin, pero may times na parang mas strict ako kaysa kay Rey. Balanse rin," anang Kapuso actress. "Minsan nag-uusap kami, nagtatalo kami na 'Hindi, okay lang naman 'yan. Ano ka ba? Okay lang 'yan.'"
"Tina-try ko na, para sumunod sa'yo ang bata, kailangan hindi ka rin gano'n ka-strict. Para kapag kailangan mo nang magsalita sa mga bagay na kailangan mo siyang sawayin, makikinig siya. Hindi 'yung parang lahat na lang bawal, tapos hindi mo siya binibigyan ng kaunting freedom."
"Ang mangyayari magtatago na siya sa iyo, lahat ng ikuwento niya nagagalit ka, nagre-react ka, ang ending hindi na magkukuwento ang bata. Paano siya mag-o-open up sa'yo, kung hindi mo siya maintindihan. Kailangan intindihin mo siya."
Ayon pa kay Yasmien, kailangan ding purihin ang anak, at kailangang ipaliwanag ng magulang kung bakit siya nagalit at hindi lamang laging idinadaan sa sigaw. —VBL, GMA Integrated News