Ikinuwento ng voice over artist na si Inka Magnaye ang naranasan niyang pait nang ibigay niya ang lahat pero niloko lamang ng dati niyang karelasyon, at kung paano siya bumangon mula rito.
"May relationships tayo na ibibigay natin lahat, and binigay ko talaga lahat. As in anything, financial support, emotional support, nagpatayo ako ng bahay, bumili ako ng kotse," kuwento ni Inka sa "Mars Pa More."
"I quit my job and I moved to a different place. Sobrang established na ako sa Manila in terms of career. Pero gusto niya kasi lumipat by the beach or whatever. I quit my job and then doon ako, lumipat ako," pagpapatuloy niya.
Nagtatrabaho na raw si Inka noon bilang isang voice over artist sa Maynila, pero nagpabalik-balik pa rin siya sa tinitirahan nila ng kaniyang ex.
Dumating pa raw ang pagkakataon na siya lang ang nagtatrabaho sa kanilang dalawa, pero pumayag siyang gumastos para sa lalaki.
"Gusto niyang magpatayo ng sarili niyang business. So sige sabi ko ako na lang muna."
Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, niloko lamang umano siya ng lalaki.
"Everything, everything, everything talaga, lahat binigay ko. Tapos no'n, nanloko siya," ani Inka. "At first siyempre hindi niya naman ia-admit 'yon, 'di ba? No hindi, may away 'yan. Pero after a while, hindi na niya ma-deny na meron talaga."
Dahil mahal niya ang tao, si Inka pa raw ang nag-aya na makipag-ayos.
"He was the one who broke up with me. Ako, let's work this out pa."
Nang hindi na maayos ang kanilang relasyon, hinayaan ni Inka na maghilom ang kaniyang puso, at gawin ang mga bagay na makapagpapasaya sa kaniya.
"I gave myself a time frame, na sige, I will feel this right now kasi kailangan ko talagang i-feel. But after a certain amount of time, I need to move. I need to get up, I need to do something," saad niya.
Nakagiliwan niya ang pag-gym, at dumaan pa sa puntong mayroon na lamang siyang 14% body fat.
Bumangon din siya mula sa stress na dulot ng pandemic, at dito na siya nadiskubre bilang ang mukha sa likod ng in-flight reminders ng Philippine Airlines.
"I went back down but I tried to pick myself back up again to make sure I don't go back into that dark place. And then I downloaded TikTok," saad niya. "Because you need something kasi to keep your mind preoccupied. So TikTok became an avenue."
Mula sa pinanggalingan niyang heartbreak, nagbibigay ngayon si Inka ng good vibes sa netizens sa pamamagitan ng kaniyang TikTok videos.
"I know a lot of people see it as a very shallow, oh it's like whatever dance app, but dance makes you happy. Movement makes you happy, exercise makes you happy. And then I was able to share my voiceovers, natuwa 'yung mga tao." – Jamil Santos/RC, GMA News