Sa pambihirang pagkakataon, magtatambal ang real life couple na si Carmina Villarroel at Zoren Legaspi sa "Stories From the Heart: The End Of Us," na muntik na nilang hindi tanggapin.
Sa press con kamakailan ng naturang drama show, sinabi ni Carmina na hindi sana nila tatanggapin noong una ang proyekto dahil sa maysakit noon ang kaniyang ama.
“Dapat talaga hindi namin tatanggapin ito. At first we were so excited. Not everyday na nabibigyan kami ng chance na ganito, not everyday we're given a chance to work together on such a beautiful project…pero with what’s happening with my dad,” anang aktres.
“After a while I said hindi ko kaya. It’s either ako or si Zoren na lang pero kung kami hindi ko talaga kaya," patuloy niya.
Sinabi rin ni Zoren na iniisip nilang mag-asawa na walang maiiwan sa bahay kung tatanggapin nila ni Carmina ang proyekto.
Pero sa kabila ng lahat, nagpasya ang mag-asawa na tanggapin ang proyekto.
“May pinagdadaanan kami as a family, dad ni Mina in and out of the hospital kaya isa ‘yun sa mga nagiging emotional [reasons],” naiyak na pahayag ni Zoren.
Patuloy niya, “As an actor, you wait for this kind of story, this kind of director, these kinds of writers, these kinds of creatives, these kinds of producers. Bihira ‘yung mangyari sa show na hinihintay mo na magaling na magkasama sa isang production. It’s really a blessing and an opportunity to be chosen dito sa magandang programang ito.”
Nagpasalamat si Carmina sa mga bumubuo ng produksyon dahil binigyan sila ng panahon na mag-isip.
“Buti nabigyan kami ng pagkakataon makapag-isip-isip," ani Carmina. "So we did a lot of thinking and Zoren and I said, ‘Sige, Hon, tanggapin natin. Bahala na. Let’s just pray and live it all up to God and then let’s just give it our all.’ And then we are very thankful God really guided us…This is very close to our hearts.”
Gagampanan nina Carmina at Zoren sa "Stories From the Heart: The End of Us," ang role na mag-asawa na mahaharap sa pagsubok ang pagsasama.
Mapapanood ito sa December 20. —FRJ, GMA News