Bilang isang registered nurse, si Rocco Nacino ang magsasagawa ng COVID-19 antigen test ng kaniyang pamilya para tiyaking ligtas ang lahat sa kanilang Christmas gathering.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing mananatili lang si Rocco sa kanilang bahay kasama ang kaniyang pamilya ngayong holidays.
"Siyempre kailangang ingatan lalo na kapag may mga senior sa bahay. Bahay lang kami," sabi ni Rocco.
Nagtapos si Rocco bilang cum laude na may master's degree sa nursing noong 2017.
Kabilang si Rocco sa primetime series na "To Have and To Hold," kasama rin sina Carla Abellana at Max Collins.
"Nakikita naman kung paano naaapektuhan ang mga tao kasi every night, kumakampi sila kay Carla tapos the next night kay Max naman, kaya gulong gulo na ang lahat," sabi ni Rocco.
"Itong final week masasagot na rin ang tanong kung deserving nga ba si Gavin (Rocco) na maging masaya at kung kanino," dagdag ng aktor.
"We'll see 'di ba? Kasi sa totoo lang hindi lang naman si Gavin 'yung may pipiliin. Lahat naman sila kung tutuusin may choice," sabi ni Carla, na sa Amerika naman magpa-Pasko kasama ang pamilya ni Tom Rodriguez.
"Hindi lang kung sino ang pipiliin ni Gavin kung paano mag-a-adjust ang bawat character sa magiging desisyon ni Gavin at magiging desisyon ng ibang characters," ayon naman kay Max. --Jamil Santos/FRJ, GMA News