Mula sa pagiging artista sa Pilipinas, pinasok ng dating komedyante na si Jinky "Bale" Oda, ang iba't ibang trabaho tulad ng pagiging caregiver nang lumipat siya sa Amerika.
Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing isang security officer na ngayon sa Amerika si Jinky, na kabilang noong fantasy series na "'Okay Ka, Fairy Ko."
Taong 2016 nang bumiyahe si Jinky pa-Amerika matapos kombinsihin ng kaniyang anak na doon na manirahan.
"At the time tapos na 'yung 'Vampire Ang Daddy Ko,' so sabi ko ano mangyayari kasi parang that time marami nang komedyanteng lumalabas ... same time anak ko pabalik-balik dito. Tinanong niya ako, 'do you see yourself here in the US?' Um-oo ako kahit hindi ako sure," kuwento niya.
Iba't ibang trabaho ang sinubukan ni Jinky tulad ng pagiging caregiver at comedy bar.
"Nag-try muna ako caregiver," she said. "Nag-comedy bar ako for quite some time," aniya.
Mayroon din umanong bishop na nag-alok sa kaniya ng matitirhan kapalit ng ministerial services.
"Kinupkop niya [bishop] ako. More than a year doon niya ako pinatira sa bahay niya," saad ng dating komendyante.
"He asked me to help his church na mag-minister ... Kahit papaano mayroon naman akong alam how to manage 'yung small group, mga leadership setting," dagdag niya.
Hanggang sa mapasok na siya bilang security officer sa pribadong kompanya pero wala siyang dalang armas.
Nitong nakaraang buwan, ipinagdiwang ni Jinky ang kaniyang first anniversary bilang security officer.
Taong 1989 nang makasama si Jinky sa "Okay Ka, Fairy Ko," at naging bahagi rin ng iba pang GMA shows tulad ng "Vampire Ang Daddy Ko" at "Daldalita." – FRJ, GMA News