Ibinahagi ng "Starstruck" graduate na si Iwa Moto ang mga pagsubok na kaniyang pinagdaanan dahil sa isyu ng mental health na kaniya nang nalampasan.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ni Iwa na ang pinakamahirap ng bahagi ng pagsubok sa bahay ay ang paglaban sa sarili niyang emosyon.
Nakaapekto umano sa mental health ng aktres nang pagpanaw ng ama noong 2009 at ang paghihiwalay nila ng dating asawa.
“Dati kasi rather than harapin ko yung problema ko, I run away. Kasi nakakapagod, nakaka-stress, nakakaubos ng pagkatao," paglalahad niya,
Hindi raw pinansin ni Iwa ang mga sintomas at tumagal hanggang sa isilang niya ang anak nila ng partner na si Pampi Lacson na si Mimi.
“Nagba-blacked out na hindi ko alam ang ginagawa ko. Bago nila ako nabigyan ng findings, it took me two psychiatrists and three psychologists para lang ma-confirm what my problem,” patuloy niya.
Doon na natuklasan na mayroong bipolar disorder with severe panic attacks at post-traumatic disorder si Iwa noong 2017.
Ayon kay Iwa, kasama sa healing process niya ang pagpapatawad at kapayapaan sa sarili at sa mga taong nagdulot sa kaniya ng kalungkutan.
Ngayon, handa na niyang pag-usapan at tinatawanan na niya ang mga nakaraan pati ang ginawang pagbasag noon sa windshield ng isang sasakyan.
Payo ni Iwa sa mga may pinagdadanan na usapin sa mental health, huwag mahiyang kumonsulta sa duktor at lumapit sa mga mahal sa buhay at mga tunay na kaibigan.
Inihayag din ni Iwa ang papuri kay Pampi dahil sa pagtulong sa kaniya.
“I’m not saying I’m perfect. I am far from being perfect but I am better right now,” ayon kay Iwa.
Nitong nakaraang Enero, isinilang ni Iwa ang ikalawang anak nila ni Pampi na si Caleb Jiro. – FRJ, GMA News