Pumanaw na sa edad na 88 nitong Lunes ang batikang aktres at dating chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na si Armida Siguion-Reyna.

Sa Twitter post ni DZBB Super Radyo reporter Nimfa Ravelo, sinabing kinumpirma ang pagpanaw ni Armida ng kaniyang pamangkin na si Katrina Ponce Enrile.

 

 

"We were all saddened upon learning about Tita Armida’s passing but comforted by the fact that Tita Armida went peacefully. I had to break the news to my Dad," sabi ni Katrina patungkol sa kaniyang ama na si dating Senador Juan Ponce Enrile.

"He was quiet for a long time and said we have to all pray for Tita Armida. Paulit ulit niyang sinasabi sa akin yun. We will miss her very much," sabi pa niya.

 

 

Wala pang detalye na inilalabas ang pamilya tungkol sa dahilan ng pagpanaw ng batikang aktres at mang-aawit.

Sa isang pahayag, sinabi ni Ernile na: "Malungkot ako at malungkot kaming lahat ng mga kapatid ko sa pagpanaw ni Armida. Ikinalulungkot ko na siya'y nagkasakit at bagamat ginamot ay pumanaw pa rin. Parati ko siyang binibisita. Sa kabila nito, masaya na rin ako na makakapagpahinga siya.

Naging malapit na malapit kaming magkapatid. Naaalala ko pa noong araw ay sinasamahan ko siya pumunta ng party, at kahit may baha sa Maynila, ipinagmamaneho ko siya. Hinangaan ko ang kanyang desisyon na pumasok sa pelikula. Malaki ang kanyang naging kontribusyon sa larangan ng showbiz at isinulong niya ang wika natin sa kanyang mga kanta. Ipinagmamalaki ko na naging tanyag siya.

Ang hinihingi ko lang sa mga Pilipino - lalo na sa kabataan - ay na 'wag na 'wag ninyo siyang kalimutan," ayon sa dating senate president.

Nagsilbi si Armida bilang MTRCB chairperson noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph Estrada.

Kilala rin si Armida sa kanta niyang "Aawitan Kita," na naging programa rin sa telebisyon na tumagal ng tatlong dekada. —FRJ, GMA News