Sa programang "Mars" nitong Huwebes, ikinuwento ng host na si Camille Prats na isa sa mga tanong tuwing family reunion na nagsasawa na siyang marinig ay kung hindi ba siya tumatanda.
Ito'y dahil kilala pa rin daw siya ng ilang kamag-anak bilang si "Princess Sarah."
"Opo, tumatanda po si Princess Sarah. Kasi laging ganu'n, 'yung parang 'May asawa ka na? Dalawa na anak mo?' Tapos 'yung tingin sa akin, para siyang kasalanan. 'Paano ka nagkaasawa ang bata bata mo pa?'" pahayag ni Camille.
Inamin ni Camille na naging hamon sa kaniya na ikulong siya ng ibang tao sa imahe ni Princess Sarah.
"Tapos sabi ko, '33 na po ako.' So, naku kasi parang ang natatandaan nila palagi 'yung kung sino ako dati. That was I think, the longest struggle that I had. Na kahit noong nagti-teenager ako it was so hard for them to accept or to see me taking roles na mas mature."
"Kasi nga parang sa paningin nila, dahil hanggang ngayon pinapalabas pa rin siya, so feeling nila forever akong na-stuck sa ganu'ng edad. So hindi sila maka-move on na, 'May pamilya na po ako,'" dagdag niya.
Buntis ngayon si Camille sa pangalawa nilang anak ni VJ Yambao, na inanunsyo niya nitong nakaraan.
May nagugulat pa rin daw na mga kamag-anak niya kapag nakikitang buntis siya.
"'Buntis ka? Ang bata bata mo pa!' 'Hindi ho may asawa na po ako. Pangatlo na nga po eh.' At saka 'yung kailangan kong ipaliwanag na 'Kumalma po kayo hindi po ako masamang tao. Nasa tamang edad na po ako," ani Camille.
Matatandaang sumikat ang 1985 Japanese anime series sa Pilipinas noon bago bumida si Camille bilang Princess Sarah sa live-action film adaptation nito noong 1995. —Jamil Santos/LBG, GMA News