Isang Chinese national at P5 milyong cash ang natangay ng mga armadong lalaki na pumasok sa bahay na inuupahan ng ilang Chinese sa Meycauayan, Bulacan nitong araw mismo ng Pasko.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing dakong 11:00 pm nitong Miyerkules nang pasukin ng mga suspek ang bahay ng pitong Chinese at dalawang Pinay.

Iginapos din ng mga suspek ang mga biktima at nilagyan ng padlock ang gate nang tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang pulang kotse.

Kaya naman inabot pa ng ilang minuto bago nakalabas at nakapagsumbong ang mga biktima sa himpilan ng Barangay Perez.

Ayon sa opisyal ng barangay, limang lalaking Chinese at dalawang babaeng Chinese, at dawalang Pinay ang naninirahan sa inuupahang bahay ng mga ito.

May isang taon pa lang naninirahan sa naturang lugar ang mga Chinese na nagpakilalang importer ng garments.

Nilimas umano ng mga suspek ang pera sa vault ng mga biktima na nagkakahalaga ng P5 milyon, at isinama nila sa pagtakas ang isa sa mga lalaking Chinese.

“Siguro kinuha muna yung pera. Nung makuha yung pera sa vault, kasi bukas yung vault nang dumating yung mga operatives, tinalian nila yung mga biktima. ‘Yung iba dinala sa CR,” ayon kay Barangay captain Job Doroja.

Nakita sa CCTV footage ang sasakyan ng mga suspek na patungo sa North Luzon Expressway.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente, at pagtukoy sa mga salarin.-- FRJ, GMA Integrated News