Hinahanap ngayon ng mga awtoridad ang magkaangkas sa motorsiklo na sangkot umano sa panggagahasa sa isang 13-anyos na babae sa Lingayen, Pangasinan. Nangyari umano ang krimen matapos mangaroling ang biktima.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen noong gabi ng bisperas ng Pasko matapos mangaroling ng biktima at pauwi na sana.

Sa imbestigasyon ng pulisya, inalok umano ng dalawang suspek na ihahatid na lang siya sa bahay gamit ang kanilang motorsiklo.

Pero sa halip na ihatid, dinala ang biktima sa madilim na bahagi ng baywalk sa Barangay Libsong East, at doon ginahasa.

Ang 18-anyos na rider ang una umanong gumahasa sa biktima, at susunod pa sana ang kasama nito pero may biglang tumawag rito kaya inihatid na nila sa bahay ang biktima.

Pero bago pababain ang biktima, pinagbantaan umano ng mga suspek ang dalagita na sasaktan kapag nagsumbong.

Ayon sa pulisya, isang kamag-anak ng biktima ang tumawag sa isang suspek at ipinaalam na kamag-anak niya ang kasama ng mga ito.

Lumitaw umano sa medical examination na positibong ginalaw ang biktima. -- FRJ, GMA Integrated News