Damang-dama umano ng Kapuso singer-actress na si Aicelle Santos ang pagiging makabayan ang i-record niya sa London ang bagong version ng "Panata Sa Bayan,"  ang theme song ng GMA News and Public Affairs para sa Eleksyon 2019.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing unang pagkakataon na narinig ang boses ni Aicelle sa pag-awit sa bagong "Panata sa Bayan," nang ilunsad ang pinakakomprehensibong multi-platform coverage ng Kapuso network para sa Eleksyon 2019.

Nasa United Kingdom ngayon si Aicelle bilang bahagi ng cast sa U.K. tour ng award-winning musical na "Miss Saigon."

Sabi ni Aicelle, happy at honored siya na mapiling kumanta ng nasabing theme song dahil kahit papaano ay makatutulong siya kampaniya para sa mapayapa at tapat na eleksyon kahit malayo siya sa bansa.

"Masaya po akong napili na umawit ng theme song ng  GMA. Masayang maging bahagi sa hangarin nilang magkaroon ng tapat at mapayapang eleksyon," saad niya.

Dahil nasa UK at laging ingles ang kinakanta niya, lalong raw naging inspired si Aicelle nang i-record niya ito sa London.

"Mararamdaman mo 'yung pagkamakabayan sa kantang 'to. It's like, inspiring people, 'di ba? Ihahatid mo sila sa direksyon na katotohanan at tapat na pagboto," pahayag pa ni Aicelle.

Nakasama rin ni Aicelle sa pag-awit ng bagong version ng "Panata sa Bayan," ang "The Clash" finalist na si Garrett Bolden.-- FRJ, GMA News