Sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na unang ipapa-deport ng US government sa ilalim ng liderato ni President-elect Donald Trump ang mga illegal immigrant na may criminal records at sangkot sa terrorist activities.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, inihayag ni Romualdez na nakuha niya ang naturang impormasyon mula sa American law enforcers.
''Uunahin nila talaga 'yung mga merong criminal record at saka terrorist activities,'' ani Romualdez na sinabing manggagaling sa iba't ibang estado ng Amerika ang mga ipapa-deport.
Nitong nakaraang Nobyembre, pinayuhan ni Romualdez ang mga Pinoy sa US na ilegal na nananatili doon na huwag nang hintayin na ma-deport sila.
Ang pag-deport sa mga illegal immigrants ay bahagi ng pangako ni Trump noon sa kaniyang kampanya nang tumakbo siyang presidente at nanalo.
Ayon kay Romualdez, dapat kumuha ng mahusay na abogado ang mga Pinoy na ilegal ang pananatili sa US para makakuha sila ng legal na dokumento upang payagang manatili sa bansa.
Tinatayang nasa 300,000 hanggang 350,000 ang mga Pinoy na ilegal ang pananatili sa US, ayon kay Romualdez.
Nangangamba si Romualdez na maging "alipin" ang illegal immigrants na nais pa ring manatili at magtrabaho sa US.
''Meron diyan kinukuha sila magtrabaho sa kanila, di sila bibigyan ng tamang wages,'' anang embahador.
Samantala, ibinahagi rin ni Romualdez ang sandaling pagkikita at pag-uusap nila ni Trump sa Trump International Golf Club sa West Palm Beach, Florida
Had the honor and opportunity to personally congratulate President-elect @realDonaldTrump at the Trump International Golf Club in West Palm Beach, Florida. I am looking forward to working once again with President Trump’s administration. pic.twitter.com/FR5tFabd0E
— Ambassador Jose Manuel G. Romualdez (@PHLAmbUSA) December 31, 2024
''Sabi ko, it's an honor for me to congratulate you, Mr. President. Sabi ko sa kaniya. Sabi ko maraming Pilipino ang bumoto sa inyo. 'Ah yeah, we love Filipinos, we love Filipinos.' Very cordial 'yung salita namin,'' pagbahagi ng embahador.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News