Sinampahan ng kasong cyberlibel ang aktres at performer na si Keanna Reeves matapos niyang magbitiw ng insulto laban sa may-ari ng food park kung saan siya nagtanghal noong July 14 sa Calamba, Laguna.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Huwebes, ikinuwento ng nagrereklamong si Nancy Dimaranan na nagsimula ang away nilang dalawa nang magtanong si Keanna kung may maghahatid sa kanila pabalik ng Maynila.

"Wala po kaming kontrata na ihahatid ko po siya kung saan nila gustong pumunta. Humingi pa po sila sa akin ng P1,500 na pang-taxi po nila, the fact na bayad din po 'yung talent fee nila including the food and drinks," kuwento ni Nancy.

Ayon sa kaniya, P5,000 ang talent fee ng aktres.

Tinanggap naman raw ni Keanna ang pamasaheng P1,500 subalit makalipas ang ilang oras, nag-Facebook Live raw ito at dito na siya pinagsalitaan ng masasakit.

"Nilalait pa po niya ako, sinasabi niya na bakla, baboy, unggoy, demonyo, kriminal at kung ano-ano pa po. Artista po siya, hindi po siya dapat nagsasalita ng ganon, napakasakit po nitong ginawa niya sa akin. Hindi po isang artista po ang dapat gumawa nito sa isang ordinaryong taong katulad ko," sabi ni Nancy.

Dahil sa ginawa ni Keanna, hindi raw nakakapasok sa paaralan ang kaniyang mga anak dahil sa pang-aasar ng mga kamag-aral at sa natuklasan nilang transgender pala ang kanilang Nanay Nancy.

"'Yung mga anak inampon ko po sila ng sanggol pa po sila at alam po nila ako po ay talagang mommy nila," sabi ni Nancy.

Ang kinakasama ni Nancy ang nag-udyok sa kaniya na sampahan ng kaso ang aktres.

"I think it's clearly inappropriate, more to the point, she has made threats against Nancy and our children. It's completely wrong, I'm personally distressed and very disappointed," sabi ni Nick Carnel.

Batay sa inihaing reklamo ng kampo ni Nancy, natuklasan ng mga awtoridad na may 17 na libelous at defamatory na mga salita ang binitawan ng aktres laban sa biktima.

 

 

Handa namang harapin ni Keanna ang kaso at magsasampa rin daw siya ng reklamo aban sa may-ari ng food park.

Iginiit din niya na wala siyang nakuhang pamasahe pauwi mula kay Nancy at ang P1,500 na ibinigay daw nito ay pamasahe papunta sa food park.

"Pagkatapos mo kaming pakinabangan sa bar, nag-perform kami nang maayos doon. Ang liit-liit lang ng pabor na hiningi namin magpapahatid lang kami sa sakayan kasi artista ko, 14 years na ako ngayon lang ako nabastos," saad ni Keanna. —Anna Felicia Bajo/JST, GMA News