Humanga at may naiyak na ilang piling fans at bloggers na nakapanood sa special screening ng pilot episode ng pinakabagong Kapuso telefantasya na "Victor Magtanggol."  May nakakaaliw din na pakulo ang serye sa social media.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kasamang nanood ng ilang fans at bloggers ang ilang kasama sa  "Victor Magtanggol"  na sina Janine Gutierrez, Chynna Ortaleza at Reese Tuazon.

Simula pa lang ng show, makikita na ang ipinagmamalaking visual effects  ng programa at mararamdaman naman magkakaibang emosyon sa buong episode.

May naiyak pa nang ipakita ang closeness ng pamilya Magtanggol ng bidang si Alden Richards, at ang magiging karanasan niya bilang isang OFW para makita ang ina na gagampanan ni Coney Reyes.

"'Yung Filipino ano natin eh 'yung sa ibang bansa kung gaano natin kamahal 'yung pamilya natin," anang isang nakapanood. "Tapos 'yung masyado tayong matulungin."

Maliban sa nakakabilib na visual effects,  itinuturing total package ang "Victor Magtanggol" dahil sa ipinakitang magkakahalong action, comedy at drama.

"'Yung acting ni Alden sobrang bagay na bagay sa kaniya 'yung role. Napaka-ano niya, napaka-light. Tapos family-oriented, 'yung comedy, 'yung action, nandu'n na lahat," ayon sa isa pang nakapanood.

Super proud at naiyak daw si Chynna, na gumaganap na ate Lynette ni Victor, sa mga narinig na papuri tungkol sa show.

"To be in a room where people are laughing and also crying and getting touched by the material may validation kami na may ginawa tayong maganda. And nagpapasalamat kami sa kanila kasi nagustuhan nila 'yung pinaghirapan namin," anang aktres.

Nagpasalamat din sina Janine at Reese sa positive feedback ng nanood na fans.

"Masaya kasi 'yung mga initial reaction pa lang ng mga tao natatawa sila, kinikilig sila, tapos may emotional side din 'yung story, so 'yung show a total package siya of all emotions," saad ni Reese.

Ayon naman kay Janine, "Super enjoy kasi pakiramdam ko hindi ako kasali sa show, pakiramdam ko talagang viewer ako at sabay-sabay kaming tumatawa, napapatili. And excited talaga akong makita ng ibang mga kapuso natin."

May nakakaaliw din na pakulo ang "Victor Magtanggol" sa mga mahihilig sa social media sa pamamagitan ng cartoon stickers.

"Meron pong mga 'Victor Magtanggol' cartoon stickers na available para sa lahat sa Instagram stories," pag-imbita ni Janine na ipinakita ang mga cute na cartoon sticker.

"Type mo lang Victor Magtanggol lalabas na sila," sabi pa ng aktres na masayang itinuro ang kaniyang karakter na si Meloy na isang reporter. -- FRJ, GMA News