Kabilang si Superstar Nora Aunor sa mga artistang tumanggap ng pagkilala sa katatapos lang Entertainment Editor's Awards o The Eddys. Ilang din sa mga Kapuso star ang rumampa sa red carpet night ng naturang award-giving body.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing big winners ang independent films na "Respeto" at "Bird Shot" sa Eddys Awards na ginanap nitong Lunes ng gabi.
Naiuwi ng naturang mga pelikula ang major awards na ibinibigay ng Society of Philippine Entertainment Editors.
Triple tie naman ang Best Supporting Actress award na nakuha ng mga Kapusong sina Therese "Teri" Malvar para sa pelikulang "Ilawod," Angeli Bayani para sa pelikulang "Maestra," at indie actress na si Chai Fonacier para sa "Respeto."
Kabilang naman sa mga pinarangalan ng Posthumous Awards ang mga namayapang sina Soxy Topacio, Emmanuel Borlaza, Bernardo Bernardo, Isabel Granada, at direk Maryo J. Delos Reyes.
Pinarangalan naman ng Film Icon Award ang ilang beteranong aktor, kabilang si Nora Aunor, na bibida sa upcoming Kapuso series na "Onanay."
Pinainit naman ng ilang Kapuso stars ang red carpet ng Eddys awards at itinanghal na Star of the Night sina Andrea Torres at David Licauco.
Rumampa rin sina Sanya Lopez na eligante sa kaniyang ruffled satin dress na itinanghal na Best Dressed. Isa naman sa hosts sa red carpet si Rhian Ramos na looking fierce sa kaniyang black gown na may peek-a-boo design.
Sinagot din ni Rhian ang tungkol sa napabalitang break-up nila ng kaniyang non-showbiz boyfriend.
"He's a wonderful guy, nothing went wrong. I don't want people to come to conclusions or make stories or anything. I loved him very much, I still do, in fact," aniya.
"But there's a lot of changes happening in my life right now and I think that it's time to focus on me at the moment," dagdag ni Rhian.--FRJ, GMA News