Matapos ang kaniyang award-winning na pagganap sa pelikulang "Die Beautiful," muling sasabak sa big screen ang "King of Make up Transformation" na si Paolo Ballesteros para sa pelikulang "Barbi: The Wonder Beki."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing bibigyang-buhay ni Paolo ang karakter ni Barbi na pinasikat noong 1990s ni Henyo Master at "Eat Bulaga" dabarkads Joey de Leon.

"Siyempre katatapos lang ng 'Die Beautiful' 'di ba? Eh yung make up ko du'n, normal na face ko tapos nilagyan ko ng make up, yu'n na. Ang inspiration ko sa make up is manyika," paliwanag niya.

Ayon kay Paolo, natuwa si Joey sa pagganap niya sa naturang karakter.

"Natuwa naman siya. Actually 'pag nagsu-shoot kami, nag-e-enjoy talaga siya," kuwento ni Paolo.

Bukod sa pelikula at "Eat Bulaga," abala rin si Paolo sa bagong talk show nila nina Jose Manalo at Wally Bayola na "The Lolas' Beautiful Show."

Napapanood ang "The Lolas' Beautiful Show" bago mag-"Eat Bulaga" kung saan in-character muli ang trio ng JoWaPao sa kanilang Kalyeserye role na sina Tidora, Tinidora at Nidora.

"Talk show na siyempre, hahaluan mo pa ng tatlong lola, nakakatawa na, riot na sa umaga bago mag-'Eat Bulaga'," ayon kay Paolo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News