Hindi umano inasahan ng lokal na pamahalaan ng Naga City, Camarines Sur ang dami ng ulan na ibinuhos ng bagyong "Kristine" sa loob ng 24 oras na katumbas umano ng pang-dalawang buwan. Ang mga kotse na tinangay ng baha, nagkapatong-patong sa isang subdibisyon.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Allen Reondanga, Administrative Officer ng Naga City, na mahigit 700 millimeters ng ulan ang bumuhos sa lungsod sa loob ng 24 oras.
“Mga 2 or 1 in the morning mga 700 milimeters of rain na, accumulated rainfall na namin ‘yun. Samantala ‘yung normal na monthly average lang naman ng Naga sa rainfall ay nasa 230 to 235 lang naman. So gustong sabihin almost 2.5 months na equivalent na ulan ang ibinagsak sa loob lamang ng 24 hours," ayon kay Reondanga.
Tinawag ni Naga City Mayor Nelson Legacion na “unprecedented” ang naranasan ng lungsod sa hagupit ni Kristine na umabot sa 30 percent ng territorial jurisdiction nila ang binaha at nasa 70 percent ng populasyon ang apektado.
“First time, unprecedented po ito,” dagdag ng alkalde.
Ipinaliwanag din ni Reondanga na bukod sa dami ng ulan na bumuhos sa Naga, nakadagdag din sa pagbaha sa lungsod ang mga tubig na galing sa mga kalapit na lugar.
"'Yung Naga ay part ng Bicol River Basin. 'Yung floodwater ng Albay, ng Rinconada, ay pumapasok pababa dito sa lungsod ng Naga. Combination talaga siya ng flash flood at the same time volume ng tubig. Very abnormal yung nangyari," dagdag niya.
Sinabi rin ni Reondanga na bagaman sanay umano sila sa baha na hanggang baywang kaya nakahanda ang kanilang mga truck sa paglilikas at pagresponde, hindi nila inasahan ang dami ng ulan na nagpalubog sa mga bahay na umabot ang baha na lampas-tao at hindi na kakayanin ng mga truck.
Nitong Miyerkules, iniulat na tatlo ang nasawi sa Bicol Region, anim ang sugatan, at may isang nawawala.
Dahil din sa flash flood, ilang sasakyan ang inanod at nagkapatong-patong sa isang subdibisyon. --FRJ, GMA Integrated News