Timbog ang isang babae sa Maynila dahil sa pagtangay sa sport utility vehicle (SUV) na ginagamit ng dayuhan niyang nobyo at pagsangla nito sa halagang P150,000.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang dire-diretsong pagmamaneho ng babae palabas ng parking lot ng isang hotel sa Malate, gamit ang sasakyan ng foreigner niyang nobyo.

Natutulog naman noon ang kaniyang nobyo sa kuwarto kung saan sila naka-check-in.

"Noong nakatulog na 'yung lalaki, ang ginawa niya, kinuha niya 'yung susi, pinaandar niya at ibinenta sa ibang tao. Pagkagising nu'ng  lalaki, wala na 'yung kaniyang sasakyan, wala na rin 'yung babae," sabi ni Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, Director ng Manila Police District.

Ayon pa sa pulisya, sinuri nila ang cellphone ng babae, at napag-alamang may plano na talaga ang suspek na ibenta ang SUV bago pa siya makipagkita sa kaniyang nobyo.

"Nu'ng ni-review natin 'yung kaniyang cellphone, meron talaga siyang plano prior pa silang magkita nu'ng kaniyang ka-date, kasi nakikipag-deal na siya. Hindi pa niya nakukuha 'yung sasakyan," ani Ibay.

Kalaunan, nasakote ng MPD Anti-Carnapping Unit ang suspek sa tulong ng CCTV.

Na-hulicam ang babae nang ibaba niya ang bintana ng minamanehong sasakyan.

Kinumpirma rin ng mga empleyado ng hotel na naka-check-in ang suspek at may kasama siyang lalaki.

Umamin ang suspek na tinangay niya ang SUV at isinangla sa halagang P150,000.

Kinumpirma ng MPD Anti-Carnapping Unit na hindi rin pagmamay-ari ng dayuhang lalaki ang naturang sasakyan, kundi sa boss ng biktima.

"Hindi ko siya ibinenta, isinangla. Boyfriend ko nga siya. Hindi ko naman alam na hindi sa kaniya 'yung sasakyan, hindi sa kaniya nakapangalan," paliwanag ng suspek.

Depensa pa ng suspek, dalawang buwan siyang hindi pinagtrabaho ng kaniyang nobyo at pinangakuang bibigyan siya ng pera.

Gayunman, hindi umano tumupad sa pangako ang nobyo kaya niya nagawang isangla ang sasakyan.

Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Anti-Carnapping Act of 2016.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ang lalaki, habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para marekober ang tinangay na SUV. — VDV, GMA Integrated News