Ipinagkaloob na nitong Miyerkoles kay two-time gold medalist sa Paris Olympics na si Carlos Yulo ang regalo sa kaniya ng property developer na Megaworld Corp. na three-bedroom condominium unit na nagkakahalaga ng P32 milyon sa Taguig.

Unang inanunsiyo ng Megaworld na two-bedroom condominium unit ang ipagkakaloob nila kay Yulo nang manalo ng ginto sa floor exercise ang Pinoy gymnast.

Pero ginawa na nilang three-bedroom condominium unit ang regalo kay Yulo nang muling makakuha ng ginto si Yulo para naman sa vault finals.

Fully-furnished, may disenyo, at may home appliances na ang unit na may sukat na 100-square meter. Mayroon itong dalawang balkonahe at sariling parking slot.

Sa mga larawan na ibinahagi ng Megaworld sa social media, nakikita na naka-display na sa unit ni Yulo ang ilang front page ng mga naka-frame na pahayagan na ibinalita ang kaniyang pagkapanalo.

Bukod sa condo unit, pinagkalooban din si Yulo P3 milyon na cash incentive ng Megaworld dahil sa nakamit niyang tagumpay bilang unang Filipino athlete na nanalo ng dalawang gold medals sa Olympics.

Nakatanggap din si Yulo ng P14-M insentibo mula sa Kamara de Representantes, at P40 milyon na regalo  rin mula sa Office of the President at Philippine Amusement and Gaming Corporation. — FRJ, GMA Integrated News