Patuloy ang buhos ng mga biyaya sa two-time gold medalist sa Paris Olympics na si Carlos Yulo na nakatanggap naman nitong Miyerkules ng P14 milyon insentibo mula sa Kamara de Representantes.

Nagtungo ang 24-anyos na gymnast na si Yulo sa Kamara para tanggapin mula kay Speaker Martin Romualdez ang pagkilala at insentibo na ipinagkaloob sa kaniya ng mga kongresista.

Nakatanggap si Yulo ng P6 milyon mula sa institusyon ng Kamara, at panibagong P8 milyon mula naman sa kontribusyon ng mahigit 300 kongresista.

Tumanggap din si Yulo ng Congressional Medal of Excellence dahil sa kaniyang pagkapanalo ng dalawang gintong medalya sa floor exercise at vault events.

“Salamat po sa mga nagpuyat para mapanood kami. Ang panalo po namin ay panalo nating lahat,” saad ni Yulo sa mensahe ng kaniyang pasasalamat.

Nakatanggap din ng tig-P2.5 milyon ang mga bronze medalist sa boxing na sina Aira Villegas at Nesthy Petecio.

Dumalo rin sa naturang pagtitipon ang iba pang atleta na kinabibilangan nina EJ Obiena,  Eumir Marcial, Carlo Paalam, Hergie Bacyadan, Jarod Hatch, Kayla Sanchez, Lauren Hoffman, John Cabang Tolentino, Hergie Bacyadan, John Ceniza, Elreen Ann Ando, Vanessa Palomar Sarno, Rower Joanie Delgaco at Kiyomi Watanabe.

 

 

Sa pagkilala ni Romualdez sa ginawa ng Filipino Olympians, inihayag ng lider ng Kamara na nais niyang amyendahan ang National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001 para taasan pa ang insentibo na dapat na matanggap ng mga atleta.

“Our Olympians have become the inspiration of our nation. You have brought us honor, and your performances were a golden opportunity to show the world how great Filipinos are. We want to thank each and every one of you athletes, of course, the coaches and your family that all supported you, for you have made this all possible,” ani Romualdez.

“We aim to conduct a review of our legislation, Republic Act 10699 or the National Athletes and Coaches Benefits Incentives Act. Kailangan amyendahan natin [itong batas] para maibibigay na suporta at tulong po sa lahat ng  mga atleta natin,” dagdag niya.

Bukod sa insentibo mula sa Kamara, nakatanggap din si Yulo ng P40 milyon regalo mula sa Office of the President at Philippine Amusement and Gaming Corporation.

Ipinagkaloob din sa kaniya ng property developer Megaworld Corp. ang isang condominium unit na nagkakahalaga ng P32 milyon.—mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News