May magandang balita muli para sa mga motorista sa susunod na linggo--lalo na sa mga gumagamit ng gasolina-- dahil sa inaasahang tapyas muli sa mga produktong petrolyo.
Nitong Biyernes, sinabi ni Director III Rodela Romero ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), na base sa nakalipas na apat na araw ng trading, maaaring umabot sa P2.00 hanggang P2.25 per liter ang mabawas sa presyo ng gasolina.
Habang nasa P0.50 hanggang P0.85 per liter ang posibleng matapyas sa presyo ng diesel, at P0.90 to P1.00 per liter naman sa kerosene.
Ito na ang ikatlong linggong sunod na rollback sa presyo ng gasolina, habang pang-apat naman sa diesel at kerosene.
Ang dahilan ng pagbaba ng presyo ng krudo, "Oil prices fell in Asian trade as industry data pointed to the sustained increase in US inventories," ayon kay Romero.
Bukod pa rito ang paglakas ng dolyar na nagpakalma sa interest rates, at ang ulat na handang tanggapin ng Hamas officials ang bagong ceasefire proposal sa Gaza.
Ipinaliwanag ni Romero na malalaman ang pinal na galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa magiging resulta ng kalakalan ngayong Biyernes. —FRJ, GMA Integrated News