Iimbestigahan at pagpapaliwanagin ng mga awtoridad ang isang suspek na umano'y scammer at hacker na mga dayuhan ang binibiktima kung papaano siya nagkaroon ng mga ari-arian gaya ng mga lupain na aabot sa P100 milyon ang halaga. Noong 2001, minsan na umanong binansagang "No. 1 hacker" sa Asya ang suspek, ayon sa pulisya.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing dinakip ng mga tauhan ng NCRPO Regional Special Operations Group sa Las Piñas ang suspek na si Edgardo Silvano Jr.

Ayon sa awtoridad, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa kanilang "asset" kaya humingi sila ng search warrant mula sa korte para mapasok ang bahay ng suspek.

Sinabi ni NCRPO Regional Intelligence Division Chief Police Colonel Jess Mendez, na nabansagang "Asia's No. 1 hacker" ang suspek noong 2001 nang mabiktima niya ang isang international financial na naging dahilan para makulong siya sa Hong Kong.

Nakuha umano ng mga awtoridad sa bahay ng suspek ang isang baril, ilang cellphone, mga tablet at laptop, routers at desktops.

Noong 2016, naaresto din si Silvano sa Pilipinas dahil sa pag-iingat ng pekeng mga credit card at card printer na nakabinbin pa ang kaso sa korte.

Bukod sa digital forensic investigation na gagawin sa mga nakuhang gamit sa buhay ng suspek, magsasagawa rin ng financial investigation ang mga awtoridad at hihingi ng tulong sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay sa mga ari-arian umano ni Silvano na aabot sa P100 milyon.

Kabilang dito ang walong big bikes, isang sports car, isang pick-up truck, at mga property sa Laiya, Siargao, Cavite at Makati.

Itinanggi naman ni Silvano na sangkot siya sa ilegal na gawain at naipaliwanag naman daw niya kung papaano niya nakuha ang mga sinasabing ari-arian.

"Bakit ko gagawin yung risky para sa pamilya ko," saad niya.--FRJ, GMA Integrated News